Alvarado Legacy at ang Patuloy na Hamon ng Baha sa Bulacan
Sa kabila ng mga pagsusumikap at inisyatibo para mapabuti ang flood control sa Bulacan, patuloy pa ring hinaharap ng maraming bayan ang hamon ng pagbaha, lalo na tuwing panahon ng malalakas na pag-ulan. Sa mga panahong ito, muling nalalantad ang kahinaan ng imprastruktura at kakulangan sa pangmatagalang solusyon, dahilan upang lumikas ang mga pamilya at maapektuhan ang kabuhayan ng mga residente.
Habang patuloy ang panawagan ng mga Bulakenyo para sa mas epektibong tugon at mga proyektong tunay na makapagpapabago, mahalagang balikan ang mga nakalipas na administrasyon upang mas maunawaan ang mga ugat ng kasalukuyang sitwasyon.
Isa sa mga prominenteng pangalan sa politika ng Bulacan ay si dating gobernador at kongresista Wilhelmino “Willy” Sy-Alvarado. Sa mahigit dalawang dekada ng panunungkulan ng pamilyang Alvarado, naging bahagi sila ng maraming programa at proyekto para sa lalawigan. Gayunpaman, ilang isyu at kontrobersiya rin ang lumutang na patuloy na pinag-uusapan hanggang ngayon.
Taong 2014, isang plunder case ang isinampa laban kay Alvarado kaugnay ng umano’y mismanagement ng pondo. Noong 2015, siya at ilang opisyal ay iniugnay sa iregularidad sa procurement ng mga gamot at materyales na umabot sa P1.7 bilyon. At 2017 ng pangalanan siya sa kontrobersyal na PDAF scam, habang isinama rin ang kanyang pangalan sa narco-list ng dating administrasyon—bagamat mariin niyang itinanggi ang lahat ng paratang.
Ang mga flood control projects ay isa sa mga pangunahing inisyatibo ng mga nakaraang administrasyon. Layunin ng mga ito na bigyang solusyon ang taunang problema sa pagbaha.
Gayunpaman, isa sa mga pinakamalaking isyu sa panahon ng pamumuno ng mga Alvarado ay ang paulit-ulit na flood control projects na madalas napapabalitang overpriced, delayed, o kaya’y hindi natatapos sa tamang panahon.
May mga ulat din na nagbanggit ng diumano’y duplicated entries sa badyet, kung saan parehong flood control project ang lumalabas sa budget sa magkaibang taon, gayundin ang patuloy na pag-apaw ng ilog at sira-sirang dike sa mga bayan ng Hagonoy, Calumpit at Paombong, kahit bilyon-bilyon na ang inilabas na pondo para rito.
Lumalabas na sa halip na magdala ng lunas, naging daan pa umano ang mga proyektong ito para sa pangungurakot at pagpapalakas ng political machinery ng mga nakaupo.
Ang pamilyang Alvarado ay kinatawan ng isang matagal nang dinastiya sa Bulacan. Mula kongreso, gobernador, hanggang vice governor—at ginamit umano ang kanilang kapangyarihan upang mapanatili ang kontrol sa lalawigan. Dahil bukod kay Wilhelmino ay nanungkulan din sa pwesto ang kanyang asawang si Marivic at mga anak na sina Jonathan at Charo (kasalukuyang alkalde ng Hagonoy). Ngunit sa kabila ng kanilang kontribusyon sa lalawigan, ay ang paglala din umano ng pagbaha, kawalan ng transparency sa paggamit ng pondo, at patuloy na hinaing ng mga mamamayan. Kaya naman nananawagan ang ilang sektor ng lipunan ng mas bukas, inklusibo, at accountable na pamumuno upang mapabuti ang serbisyo publiko.
Sa muling pagharap ng Bulacan sa baha, bumabalik din ang tanong ng mga residente: Nasaan na ang mga pondong inilaan para sa flood control? Bakit nananatiling inutil ang mga proyekto? Hanggang kailan pahihirapan ng maling pamamahala at katiwalian ang mga Bulakenyo?
Ang mga sagot ay tila nakabaon sa nakaraan, sa mga alegasyon ng katiwalian, maling prayoridad, at pamumunong nagbigay-daan sa sistematikong kapabayaan.