Solon, kumasa kontra climate change at pabaya sa flood control

Hinamon ni Senador Win Gatchalian ang Climate Change Commission (CCC) na tumutok hindi lang sa papel, kundi sa totoong aksyon—lalo na sa pagsukat at pagbabantay sa greenhouse gas emissions na nagpapalala ng climate change at pagbaha sa bansa.

“Dapat ipakita ng CCC ang siyensiya sa likod ng climate change upang maging gabay sa flood control projects. Madaling isisi sa climate change pero kung ito talaga ang dahilan ng pagdami ng mga bilang ng pagbabaha, kailangan natin ng mga solusyon tulad ng isang epektibong programa para sa pagkontrol sa baha,” sabi ni Gatchalian sa pagdinig ng Senado hinggil sa iminumungkahing pondo ng CCC para sa 2026.

Giit pa niya, kailangan ng regular na monitoring ng greenhouse gases para makita kung umuusad ang Pilipinas sa laban kontra climate change. 

“Kailangan natin ng taunang pagsubaybay sa greenhouse gas emissions para malaman kung napapabuti tayo at nananalo sa laban na ito, at iyon ang buong punto kung bakit merong CCC,” pagdidiin niya.

Binanggit rin ni Gatchalian na hindi sapat ang pagtuon lang ng CCC sa mga dayuhang kasunduan. Dapat din aniyang bigyan ng tunay na halaga ang papel nito sa mga pangkaraniwang tao—lalo na’t maraming Pilipino ang apektado ng pagbaha habang lumalabas ang mga isyu ng anomalya sa ilang flood control projects.

Gusto natin na bigyan tayo ng CCC ng siyentipikong solusyon sa climate change at maging mahalaga sa ating mga nasasakupan,” dagdag pa ng senador. (LB)

 

Verified by MonsterInsights