PBBM: ₱60B Pondo Para Sa PhilHealth; ₱255B Flood Control Projects Kanselado Na
Ilalaang muli ng pamahalaan ang ₱60 bilyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kasunod ng pagkansela sa ₱255 bilyong halaga ng mga locally funded flood control projects sa panukalang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa taong 2026.
Ito ang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Sabado sa kanyang pagbisita sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila, kung saan personal niyang sinuri ang implementasyon ng zero billing policy program ng PhilHealth.
“Masaya akong ianunsyo na dahil sa mga repormang ginagawa natin — lalo na sa DPWH — ibabalik natin sa PhilHealth ang halagang ₱60 bilyon,” pahayag ng Pangulo sa nasabing ospital.
Ayon sa Pangulo, iniutos niya ang re-allocation ng ₱60 bilyon upang palakasin pa ang mga benepisyo ng mga miyembro ng PhilHealth.
Ipinaliwanag din ng Chief Executive na ang naturang pondo ay inilipat muna ng Department of Finance (DOF) sa National Treasury, dahil hindi agad ito nagamit para sa kapakinabangan ng mga miyembro.
Gayunman, tiniyak ng Pangulo na hindi naapektuhan ang mga serbisyo ng PhilHealth sa kabila ng pansamantalang paglipat ng pondo.
“Kahit na pinaliwanag na natin na lumawak pa ang mga serbisyo ng PhilHealth, may agam-agam pa rin ang ilan na baka bawasan ang mga benepisyo dahil sa paglipat ng ₱60 bilyon sa national government,” ani Pangulong Marcos.
“Dinagdagan na nga natin, pero hindi natin masisisi ang publiko kung may pangamba. Kaya ngayon, ibinabalik na natin ito sa PhilHealth.”
Kaugnay ng adbokasiya ng Pangulo laban sa katiwalian, binawasan ng DPWH ang panukalang budget nito sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP) mula ₱881.312 bilyon pababa sa ₱624.784 bilyon, matapos alisin ang lahat ng locally funded flood control projects na may kabuuang halagang ₱255 bilyon.
Nauna nang sinabi ni Marcos na ang nakanselang pondo mula sa DPWH ay ililipat sa mga prayoridad na sektor, gaya ng edukasyon, agrikultura, kalusugan, pabahay, imprastruktura, ICT, paggawa, social services, at enerhiya. (LB)