Lacson: Hindi Pa Lusot Sina Villanueva at Estrada sa Isyu ng Budget Insertions
Hindi pa rin lusot sina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada sa isyu ng umano’y kontrobersyal na budget insertions sa 2023 at 2025 General Appropriations Acts (GAA), sa kabila ng kanilang pagharap sa akusasyon sa Senate Blue Ribbon Committee.
Ito ang iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson noong Huwebes, kasunod ng mga testimonya ni Engr. Brice Hernandez, ang whistleblower na nag-ugnay sa dalawang senador sa milyun-milyong pisong infrastructure projects sa Bulacan.
“By any measure, Senators Villanueva and Estrada have not been cleared, at least on the issue of budget insertions involving infrastructure projects in Bulacan worth P600 million and P355 million respectively,” pahayag ni Lacson sa isang post sa X (dating Twitter).
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Hernandez na mayroong P600 milyong halaga ng flood control projects na iniuugnay kay Sen. Villanueva, na umano’y nakapaloob sa Unprogrammed Funds ng 2023 GAA.
Ayon kay Lacson, ang halagang ito ay nakita mismo sa dokumentong galing sa tanggapan ni Sen. Sherwin Gatchalian, at ipinakita bilang bahagi ng mga slide presentation sa pagdinig.
“There are seven to eight items worth P75 million each, exactly P600 million,” aniya.
Mariin namang itinanggi ni Villanueva ang akusasyon.
Samantala, may hiwalay namang P355 milyong halaga ng infrastructure projects sa Bulacan na iniuugnay ni Hernandez kay Sen. Jinggoy Estrada, batay naman sa 2025 GAA. Itinanggi rin ni Estrada ang pagkakasangkot dito.
Sa pagdinig, pinuna ni Lacson si Hernandez dahil sa umano’y “selective memory” nito, matapos hindi masagot ang ilang mahahalagang tanong ukol sa kanyang mga paratang.
“I’m telling you, hindi pwedeng selective dito. Pag nangako kang magsasabi ng totoo, sabihin mo di lang kung convenient,” saad ni Lacson.
Nilinaw din ni Lacson na kaya pinayagan niyang dumalo sina Villanueva at Estrada sa pagdinig ay dahil ito ay batayang karapatan ng sinumang akusado — ang makaharap ang kanilang akusador.
“Every person, ordinary or senator, has equal rights. I actually consulted my legal staff before making that decision to allow them,” ani Lacson.
Gayunman, binigyang-diin niya na ang presensiya ng dalawang senador sa pagdinig ay hindi nangangahulugang nalinis na sila sa isyu ng budget insertions.
“In case you didn’t notice, I did not clear the two senators on the issue of budget insertions bcoz the budget books validate Brice Hernandez’s allegations based on my own staff’s research, at least in the case of Sen Estrada. The two senators have not been cleared of the budget insertions under the 2023 and 2025 GAA’s. I made that very clear today,” dagdag pa ng senador. (NIÑO ACLAN)