SENADO MULING NAGREGODON, SOTTO BAGONG SENATE PRESIDENT

MULING nagkaroon ng regodon sa senado dahilan upang mahalal si Senador Vicente “Tito” Sotto III bilang bagong Senate President kung saan pinalitan niya si Senador Francis “Chiz” Escudero.
Maliban kay Sotto nahalal din si bagong Senate President Pro-Tempore Panfilo “Ping” Lacson na pinalitan si Senador Jinggoy Estrada at si Senador Juan Miguel Zubiri ay nahalal naman bilang bagong Chairman ng Senate Committee on Rules at Majority Leader kapalit ni Senador Joel Villanueva.
Walang naging kalaban si Sotto matapos na hilingin ni Zubiri na ideklarang bakante ang posisyon ng Senate President.
Mismong si Escudero naman ang siyang nag-administer ng oath ni Sotto na sinaksihan ng kaniyang mga anak.
Nagpasalamat si Escudero sa lahat ng kanyang kapwa senador sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya noong 19th at 20th Congress.
Ipinagmalaki naman ni Escudero na sa kaniyang pamumuno sa senado ay marami naman nagawa ang kanyang liderato kabilang na dito ang pinakahuli ay ang paghahayag ng katotohanan ni Navotas Congressman Toby Tiangco at ang pagbibigay testimonya ng mag-asawang Discaya na pangalanan ang mga taong binigyan nila ng mga suhol at salapi.
Nagpasalamat din sina Villanueva at Estrada sa naging tiwala sa kanila ng mga kapwa senador ganoon din si Senador Alan Peter Cayetano na naging bahagi ng mayorya na ngayon ay kaniyang inihayag na maging bahagi ng minorya.
Ngunit tiniyak naman ni Cayetano na sa kabila ng siya ay magiging bahagi ng minorya ay handa siyang makipagtulungan sa liderato ng senado at sa mayorya.
Wala pa namang hinalal na bagong Senate Minority at hindi pa tuluyang batid kung sinu-sino ang magiging bahagi ng minorya. (Nino Aclan)