President Corazon C. Aquino General Hospital, Pormal nang Binuksan sa Baseco

PORMAL nang binuksan ang President Corazon C. Aquino General Hospital, kilala rin bilang Baseco Hospital — ang ika-pitong pampublikong ospital na pinatatakbo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, na pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso kasama sina Vice Mayor Chi Atienza, 5th District Congressman Irwin Tieng, Manila Health Department Director Dra. Grace Padilla, at mga konsehal, na ginanap nitong Biyernes, Setyembre 5, sa Baseco Tondo, Maynila.

Ang ospital ay itinayo bilang tugon sa pangangailangang medikal ng mga residente ng Baseco at karatig na komunidad. Itinuturing ito na katuparan ng pangarap ng lokal na pamahalaan na magbigay ng dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa masa.

Ang Baseco Hospital ay may mga sumusunod na pasilidad at serbisyo:

  • 24/7 fully operational Emergency Room
  • Community-inclusive Outpatient Department
  • Maternity Department
  • Surgery at Internal Medicine Department
  • Centralized Medical Gas System (Oxygen Supply)
  • Laboratory at Central Diagnostics
  • X-Ray/Radiology Department
  • Pharmacy
  • Dietary Department
  • Male at Female Wards
  • Isolation Wards
  • Service Elevators para sa mga pasyente
  • Passenger Elevators na may 10-person capacity

Sa kanyang talumpati, inilahad ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na ang pagbubukas ng ospital ay bunga ng pangarap at paninindigan para sa kapakanan ng mga taga-Baseco.

“Laway-laway lang noon, pero ngayon katuparan na — hindi na pangarap lang. Ito ay para sa bawat taga-Baseco,” aniya.

Bagamat naantala ang pagbubukas ng ospital dahil sa ilang balakid, naging posible ang proyekto sa tulong ng pagtutulungan at maagap na aksyon ng pamahalaang lungsod.

Ang pagbubukas ng Baseco Hospital ay isang makasaysayang hakbang sa pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan sa lungsod, at patunay ng patuloy na pagsisikap para sa mas ligtas at malusog na Maynila. (BONG SON)

Verified by MonsterInsights