BOC Nagsagawa ng Court-Ordered Search sa mga Luxury Vehicle na Konektado sa Discaya

Sa bisa ng Search Warrant na inilabas ng Regional Trial Court ng Maynila, Branch 18, at alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang pagpapatupad laban sa smuggling, nagsagawa ang Bureau of Customs (BOC) ng search operation nitong Setyembre 2, 2025 sa headquarters ng St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp. sa Lungsod ng Pasig. Kaugnay ito ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa pag-angkat ng mga luxury vehicle na konektado sa pamilyang Discaya na natuklasan sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y anomalya sa mga flood control project.

Ang hakbang na ito ay nagpapakita ng suporta ng BOC sa panawagan ni Pangulo Marcos para sa transparency at pananagutan sa mga inisyatibo ng pamahalaan, habang tinitiyak na ang mga paglabag kaugnay ng importasyon ng mga luxury vehicle ay mapapanagot alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Natagpuan ng search team, na binubuo ng Intelligence at Enforcement units ng BOC at pinangunahan ni Joel Pinawin, Chief ng Customs Intelligence and Investigation Service–Port of Manila Field Station, kasama ang dalawang high-end vehicles mula sa labindalawa (12) na sakop ng search warrant at pinaghihinalaang na-smuggle papasok sa bansa: isang Toyota Land Cruiser 300 at isang Maserati Levante Modena 2022.

Bukod dito, nakakita rin ang team ng dalawang iba pang luxury vehicles na hindi sakop ng warrant—isang Jaguar F-Pace at isang Bulletproof Cadillac Escalade—na isasama rin sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Kung mapatunayang may mga lehitimong buyer na kumilos nang may mabuting loob, sila ay poprotektahan ng batas. Gayunpaman, kung mapatunayan ng imbestigasyon na ang mga sasakyan ay inangkat nang hindi nagbayad ng tamang buwis at duties, isasagawa ang kaukulang enforcement at legal na aksyon.

Ang search warrant, na inilabas ni Executive Judge Carolina Icasiano-Sison ng RTC Manila, ay naipaabot sa legal representative ng St. Gerrard General Contractor and Development Corp., sa pakikipag-ugnayan ng mga katuwang na ahensya tulad ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), Highway Patrol Group (HPG) na pinamumunuan ni Acting Director Col. Hansel Marantan, Land Transportation Office (LTO), Department of Transportation (DOTr), at mga opisyal ng Brgy. Bambang, Pasig City.

Bilang pagtupad sa probisyon ng warrant, binigyang-diin ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno na seryosong tinutugunan ng Bureau of Customs ang isyu ng mga nawawalang luxury cars ng Discaya.

“Sisiguruhin naming matunton agad ang mga sasakyang ito, at kung may matuklasang iregularidad, ang lahat ng kaukulang buwis at duties ay sisingilin nang buo. Linawin natin: ang mga nagtatago o kumakampi sa pagtatago ng mga sasakyang ito ay paparusahan sa pinakamataas na antas ng batas. Nakatuon ang Bureau sa maagap na aksyon upang maprotektahan ang kita ng pamahalaan, ipatupad ang pananagutan, at panatilihin ang tiwala ng sambayanang Pilipino,” pahayag ni Commissioner Nepomuceno.

XXXXXXXX

𝗕𝗢𝗖–𝗣𝗼𝗿𝘁 𝗼𝗳 𝗜𝗹𝗼𝗶𝗹𝗼 Tumanggap ng Courtesy Visits mula sa PCCBI at IFFI

Maluwag na tinanggap ni District Collector Noli P. Santua, Jr. ang mga kinatawan ng Philippine Chamber of Customs Brokers, Inc. (PCCBI) sa kanilang courtesy visit sa Bureau of Customs (BOC)–Port of Iloilo.

Dumalo ang mga opisyal ng PCCBI sa pangunguna ni Secretary Jovet King Dimaculangan at Treasurer Ma. Theresa Santos, upang talakayin ang kanilang mga plano para sa nalalapit na PCCBI National Convention sa Oktubre 24, 2025 sa Lungsod ng Iloilo at bilang tugon ay tiniyak ni Collector Santua ang buong suporta ng Port sampu ng iba pang opisyal at kawani ng BOC-Port Iloilo para sa kanilang mga programa at aktibidad.

Sa parehong araw, bumisita rin ang Iloilo Festivals Foundation, Inc. (IFFI) para sa isang courtesy call kay Collector Santua.

Humingi sila ng suporta mula sa Port of Iloilo para sa 2nd Iloilo River Dragon Boat Festival na gaganapin sa Setyembre 5–7, 2025 sa Iloilo River, Muelle Loney Street.

Ang BOC–Port of Iloilo, sa pamumuno ni District Collector Santua at sa paggabay nina Commissioner Ariel F. Nepomuceno at Secretary of Finance Ralph G. Recto, ay nananatiling nakatuon sa malapit na pakikipagtulungan sa mga stakeholder ng industriya, katuwang na ahensya, at lokal na komunidad.

Sa pagsuporta sa mga programang gaya ng PCCBI National Convention at Iloilo River Dragon Boat Festival, higit pang pinatitibay ng Port ang papel nito hindi lamang sa pagkolekta ng kita, pagpapadali ng kalakalan, at pagbabantay sa mga Pantalan at paliparan, kundi pati na rin sa pagpapaunlad ng pagtutulungan na nakakatulong sa paglago ng lokal na ekonomiya at pagpapanatili ng kulturang pamana. 

Verified by MonsterInsights