Pagtatayo ng Bagong Sacramento Library sa Maynila Sisimulan na

ISINAGAWA ang groundbreaking ceremony ng Manila Sacramento Library at Multi-Purpose Building sa kanto ng Zamora at Canonigo Sts. sa Paco, Maynila ngayong araw, Setyembre 1, 2025, na pinangunahan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kasama sina Vice Mayor Chi Atienza at 5th District Congressman Irwin Tieng.
Bahagi ng itatayong 4-storey building na silid-aklatan na inaasahang matapos sa loob ng siyam na buwan, ang Children’s section, Pantry and Kitchen Area, Admin office, Librarian’s office, Ground floor and mezzanine floor Library area, mga opisina, warehouse, electrical room at freight elevator.
Ayon kay Mayor Isko, bilang pagtugon sa makabagong panahon ay mag-aadapt umano ang lungsod sa digital innovations sa pamamagitan ng pagsubscribe sa mga virtual books at plano rin aniyang i-upgrade ang pasilidad gamit ang mga Apple Mac desktop para sa mas epektibong pag-aaral at pananaliksik.
Ipinakita rin sa huling bahagi ng aktibidad ang espasyo para sa senior citizens, na ituturing nila bilang isang safe space at makabuluhang lugar para sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Kasama rin sa nasabing seremonya sina DEPW Engr Armando Andres, Mylene Villanueva, OIC ng Manila City Library at mga konsehal ng Distrito Singko kabilang sina Che Borromeo, Bobby Espiritu, Jaybee Hizon, at Majority Leader Mon Yupangco. (BONG SON)