BOC NAGBABALA SA PUBLIKO LABAN SA NAGPAPAKILALANG PEKENG COMMISSIONER 

Bago ko simulan ang pitak na ito, ay gusto kong batiin ang Newly Appointed Director III ng BOC na si Fernandina “Dino” Tuason. Maligayang pagbabalik sa BOC Sir.. .Happy reading po sa mga masisipag at magaling na opisyal ng BOC sa pangunguna ni Atty. Florante Macarilay – Deputy Collector for Assessment, Engineer Ric Ricarte, CIIS-MICP Chief Alvin Enciso at kay Atty. Ed Padre.

xxxxxxxxxx

Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko at mga stakeholder laban sa mga indibidwal na nagpapanggap bilang si Commissioner Ariel F. Nepomuceno at iba pang opisyal ng BOC upang manghingi ng pera kapalit ng umano’y “espesyal na pabor” o mabilis na pagproseso sa kanilang mga kargamento.

Nakakatanggap ang BOC ng mga ulat kaugnay ng isang modus na tinatawag na “Enrollment” na maling iniuugnay sa ahensya. Ang modus na ito ay nag-aalok umano ng espesyal na pabor sa mga importer at broker na magbabayad ng suhol. Nilinaw ng BOC na hindi ito programa ng ahensya at mariing kinondena ni Commissioner Nepomuceno ang iligal na aktibidad na ito at mariing itinanggi ang anumang kaugnayan dito o sa iba pang kahalintulad na modus ng pangingikil.

“Ang Bureau of Customs, sa ilalim ng aking pamumuno, ay kailanman hindi papayag sa anumang uri ng pangingikil, panunuhol, o panghihingi kapalit ng espesyal na pabor,” ani Commissioner Nepomuceno. “Ang anumang pagtatangkang gamitin ang pangalan ng BOC o ang aking posisyon para sa pansariling kapakinabangan ay isang direktang pag-atake sa integridad ng aming institusyon, at ito’y sasalubungin ng mabilis at mahigpit na aksyon. Hindi ko hahayaang magpatuloy ang mga ganitong modus sa ilalim ng aking pamumuno.”

Bilang tugon sa mga ulat na ito, nagsagawa na ng imbestigasyon ang BOC upang matukoy at papanagutin ang mga nasa likod ng modus.

Pinaalalahanan din ang mga stakeholder na sa kabila ng mga naunang babala, sinumang makikipag-ugnayan o tatangkilik sa mga mapanlinlang na alok na ito ay mananagot sa lahat ng kahihinatnan, kabilang ang posibilidad ng kasong kriminal alinsunod sa umiiral na batas. Mariing pinapayuhan ang lahat na sumunod sa regulasyon ng BOC at umiwas sa ganitong uri ng panlilinlang.

Inatasan din ni Commissioner Nepomuceno ang lahat ng kawani ng BOC na panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng integridad at binalaan na ang sinumang masasangkot sa ganitong modus ay agad na haharap sa administratibo at kriminal na parusa.

Hinimok ni Commissioner Nepomuceno ang mga stakeholder at publiko na manatiling mapagmatyag at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang alok o panghihingi ng pera kaugnay ng modus na ito sa pamamagitan ng BOC Customer Assistance and Response Services (BOC-CARES) sa hotline 8705-6000 o email complaints@customs.gov.ph.

Nanatiling tapat ang BOC sa kanilang pangako sa transparency, pananagutan, at mahigpit na pagpapatupad ng batas adwana. Sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Nepomuceno, patuloy ang ahensya sa pagpuksa sa korapsyon at pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko. 

xxxxxxxxxxx

47M halaga ng ipinagbabawal na droga nasabat ng BOC-NAIA 

Sa ginanap na Collectors Conference sa Clark, Pampanga noong Biyernes, Agosto 15, 2025, isa sa mahigpit na utos ni Commissioner Ariel Nepomuceno sa kanyang mga district collectors ang mahigpit na pagbabantay sa mga Pantalan at Paliparan laban sa pagpasok ng iligal na mga kontrabado. At agad namang tumalima ang mga tauhan ni Port of NAIA District Collector Sandra Lumontad ng nasabat nila ang 7,005 gramo ng hinihinalang Methamphetamine Hydrochloride o shabu sa isang operasyon sa NAIA Terminal 3 noong Agosto 16, 2025.

Natuklasan ang naturang kontrabando matapos sumailalim sa non-intrusive inspection ang isang bagahe ng pasaherong mula South Africa, kung saan lumabas ang kahina-hinalang imahe na posibleng indikasyon ng pagtatago ng iligal na droga.

Sa isinagawang pisikal na pagsusuri, nakumpirma ang pagkakadiskubre ng 7,005 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱47.634 milyon. Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG). Posibleng maharap naman ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act No. 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang mga komunidad laban sa paglaganap ng ipinagbabawal na droga, sinabi ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno: “Ang operasyong ito ay patunay ng ating matatag na paninindigan na pigilan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na substance sa bansa at protektahan ang publiko laban sa masamang epekto nito.”

Sa pamumuno ni District Collector Alexandra Y. Lumontad, muling pinagtibay ng BOC-NAIA ang kanilang pagbabantay laban sa anumang pagtatangkang gamitin ang mga paliparan para sa ilegal na kalakalan.

Dagdag pa ni Collector Lumontad: “ang matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng  buong paninindigan na tiyaking nananatiling ligtas ang NAIA bilang isang entry point kung saan ang kaligtasan ng publiko at interes ng bansa ay laging pinangangalagaan.” 

Verified by MonsterInsights