Goitia: “Hindi bastos si Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro. Tumindig lang siya para ipaglaban ang bansang Pilipinas. Yan ang malinaw"

Para kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, malinaw ang mga salitang binitiwan na may paninindigan: wala kang dapat ikahiya kapag ipinaglalaban mo ay ang bayan.

Ito ang matapang na tugon ni Chairman Emeritus Goitia, kilalang tagapagtanggol ng soberanya ng Pilipinas matapos umalma ang Chinese Embassy sa matapang na pahayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro tungkol sa West Philippine Sea (WPS).

“Hindi ito pambabastos. Hindi ito pagyayabang. Ito ay simpleng pagtatanggol sa karapatan natin bilang isang Pilipino, ” ani Goitia.

Hindi siya nagulat sa reaksyon ng China. Ayon sa kanya, matagal nang ginagamit ng China ang impluwensiya at kapangyarihan nito para patahimikin ang sinumang kumokontra sa kanila.

“Kapag may nagsalita nang direkta at makatotohanan, tinatawag agad nilang ‘destabilizing.’ Pero sa totoo lang, iyon ang kailangan natin, yung mga lider na hindi takot magsabi ng totoo,” dagdag ni Goitia.

Pinuri niya ang pagiging prangka ni Sec. Teodoro na nagsabing hindi Amerika ang dahilan ng tensyon sa karagatan kundi ang mismong agresyon ng Tsina. Aniya, ilang taon na tayong ginagapang, pinapasok, at inaagawan sa sarili nating teritoryo. 

“Kapag may pumasok ba na hindi natin kilala sa ating bahay, ang kailangan ba nating  sisisihin ay ang ating kapitbahay  o dapat ay kumprontahin  natin ay ang nanghihimasok sa ating lugar. At ngayon na may opisyal na matapang na  nagsalita para sa atin, aatras pa ba tayo? Hindi  na pwede. Suportahan natin ang katotohanan. Suportahan natin ang Pilipinas. Suporthan natin ang kinabukasan ng mga Pilipino” diin niya.

Pero hindi lang pagtindig ang punto ni Goitia, may dalang solusyon din siya.

“My 4 cents suggestion on the WPS: balikan natin ang December 1987 Manila Declaration ng Association of Southeast  Asian Nations (ASEAN), lalo na ang ZOPFAN o ‘Zone of Peace, Freedom and Neutrality’ sa West Philippine Sea,” pahayag niya. “Hindi tayo aasenso kung laging may veto power ang China sa United Nations  Security Council. Kailangan ng sama-samang hakbang ng ASEAN para baguhin ang sistema.”

Para kay Goitia, ang laban sa West Philippine Sea ay hindi lang laban ng gobyerno, kundi ng bawat Pilipino. Hindi ito dapat pulitika lang. Buhay at kabuhayan ang nakataya.

“Yung isda, yaman, at seguridad diyan, para sa Pilipino ‘yan. At kung mananahimik lang tayo, may ibang kukuha niyan,” paalala niya.

Ang panawagan ni Goitia ay simple: huwag matakot tumindig, huwag ikahiya ang pagiging makabayan.

“Wala tayong ginagawang masama. Ang mali ay ‘yung tahimik na pumapayag. At hindi na tayo dapat maging ganun,” ani Goitia.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.

Verified by MonsterInsights