BOC nasabat ang PHP40.5M halaga ng misdeclared vape products mula China
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang tatlong container na naglalaman ng maling deklaradong mga vape products at iba pang regulated na produkto na nagkakahalaga ng PHP40.5 milyon sa Manila International Container Port (MICP).
Nitong Hulyo 31,pinangunahan nina Assistant Commissioner Vincent Philip C. Maronilla, Deputy Commissioner Romeo Allan R. Rosales, at District Collector Rizalino Jose C. Torralba ang inspeksyon sa mga nasabing kargamento na nagmula sa China at idineklara bilang mga kitchenware.
Pinatawan ng Hold Orders ang mga nasabing kargamentong noong Enero 2025, matapos makatanggap ng impormasyon ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa ilalim ng pamumuno ni Intel Chief Alvin Enciso. Isinagawa ang 100% physical examination noong Hulyo 14, 2025, kung saan nadiskubre ang 81,000 piraso ng iba’t ibang uri ng vape products, kasama ang mga sako ng fully refined paraffin wax at iba pang misdeclared na produkto.

Naglabas ng Warrants of Seizure and Detention noong Hulyo 23, 2025, at kasalukuyang isinasailalim sa forfeiture proceedings ang mga kargamento dahil sa paglabag sa Sections 117, 1400, 1401, at 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), Republic Act No. 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, at mga kaugnay na regulasyon mula sa Department of Trade and Industry (DTI).
Isinasagawa rin ng BOC ang case build-up upang matukoy at makasuhan ang mga personalidad na involve upang masigurong mapanagot sila sa ilalim ng batas.
Binigyang-diin ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang kahalagahan ng pagbabantay sa mga Pantalan at Paliparan laban sa iligal na importation upang maiwasan ang pagpasok ng mga iligal na kargamaneto sa bansa.
Muli namang tiniyak ni MICP District Collector Rizalino Jose C. Torralba ang pagtutok ng kanilang pantalan sa pagpapatupad ng batas. Pahayag nito na ang smuggling ng mga vape products ay may malaking banta sa kalusugan at ekonomiya.
Buong buo naman ang suporta ng MICP kay Commissioner Ariel Nepomuceno sa kanyang liderato sa pagsulong ng mga proyekto ni Pangulong Marcos Jr. para sa ligtas at transparent na kalakalan, pinalalakas ng BOC ang pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng mas matibay na koordinasyon sa mga ahensya, data-driven na risk management, at maagap na intelligence upang mapigilan ang ilegal na kalakalan.
xxxxxxxxxxxxxxxxxxxxx
Commissioner Nepomuceno Ipinatupad ang “No Take” Policy at Nanawagan ng Kooperasyon mula sa mga Stakeholder
Pinalakas ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang pagpapatupad ng “No Take” policy ng Bureau of Customs (BOC), na mahigpit na nagbabawal sa anumang uri ng suhol at iligal na transaksyong pinansyal, bilang bahagi ng kampanya ng BOC laban sa korapsyon. Nagbigay rin siya ng babala sa publiko na ang korapsyon, maging mula sa tauhan ng Customs o stakeholder, ay hindi niya kukunsintihin.
Kaugnay nito, nanawagan si Commissioner Nepomuceno sa lahat ng stakeholder—kabilang ang mga importer, customs broker, at mga negosyanteng kasali sa industriya ng kalakalan—na hindi lamang sumunod, kundi aktibong makilahok sa adbokasiyang ito para sa malinis na pamamahala.
Binigyang-diin niya na ang tagumpay ng “No Take” policy ay nakasalalay hindi lamang sa internal enforcement, kundi pati sa disiplina at integridad ng lahat ng nakikipag-ugnayan sa BOC.
Dagdag pa ni Comm Nepo na hindi magtatagumpay ang kampanya laban sa korapsyon kung mismong mga stakeholder ang patuloy na nag-aalok ng suhol o nakikipagkasundo under the table.
Hinimok rin niya ang pribadong sektor na agad i-report ang anumang kahina-hinalang gawain o tangkang korapsyon na kanilang mararanasan.
“Maliwanag ang mensahe: sinumang papasok sa gawaing katiwalian, anuman ang kanilang katungkulan, ay pananagutin.”
Mananatili namang matatag ang Bureau of Customs sa pagtataguyod ng isang kultura ng integridad, propesyonal na serbisyo, at pananagutan sa publiko. Sa tulong ng kooperasyon mula sa mga stakeholder, layunin ng BOC na bumuo ng isang kapaligiran ng kalakalan na tapat, makatarungan, at sumusunod sa batas.