PhilHealth, Nagbigay ng Php 76.6 Milyong Piso para sa HIV Benefit Claims sa Pamahalaang Lungsod ng Quezon

Nagbigay ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng Php 76.6 milyong piso sa Pamahalaang Lungsod ng Quezon bilang kabuuang benepisyo para sa mahigit tatlong libo o 3,086 na pasyenteng sumailalim sa Outpatient HIV/AIDS Treatment (OHAT) Package na isinagawa sa kanilang PhilHealth-accredited HIV Treatment Hub mula noong Enero 1, 2024 hanggang Hulyo 18, 2025.
Isang ceremonial check turn-over ang ginanap sa pagitan ng PhilHealth at ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon bilang pagpapatunay ng mas pinagbuti at mas pinalawak na benepisyong pangkalusugan para sa mga Pilipinong may HIV. Ito ay pinangunahan nina PhilHealth Acting President at Chief Executive Officer Dr. Edwin M. Mercado at Quezon City Mayor Joy Belmonte at sinaksihan naman nina Quezon City Health Officer Dr. Romana Abarquez at PhilHealth Vice President-NCR Dr. Bernadette Lico, kasama ang iba pang opisyal ng PhilHealth.
Itinaas ang benepisyo para sa OHAT Package sa halagang Php 58,500 kada taon sa dating Php 30,000 bunsod nito ang 95% porsiyentong pagtaas. Nakapaloob dito ang anti-retroviral therapy (ART) at mahahalagang serbisyo para sa mga indibidwal na may kumpirmadong diagnosis ng HIV.
Ang pagpapalawak na ito ay naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na lalo pang paigtingin at palakasin ang mga serbisyong may kaugnayan sa HIV sa buong bansa dahilan na rin sa pagtaas ng bilang ng mga kaso nito.
Hinihikayat ng PhilHealth ang lahat ng stakeholders na isulong ang kamalayan sa paggamit ng OHAT Package. Sa kasalukuyan, mayroon nang 271 PhilHealth-accredited HIV Treatment facilities sa buong bansa na handang magbigay ng serbisyong medikal para sa mga miyembrong makararanas ng HIV.
Para sa karagdagang detalye, maaaring tumawag ang mga miyembro sa 24/7 touch points ng PhilHealth sa (02) 866-225-88 o sa mga mobile numbers na (Smart) 0998-857-2957, 0968-865-4670, (Globe) 0917-1275987 o 0917-1109812.