DAR, PNPA Pinagtibay Muli ang Ugnayan Para Labanan ang Gutom at Kahirapan

Muling pinalakas ng Department of Agrarian Reform (DAR) at Philippine National Police Academy (PNPA) ang kanilang ugnayan, matapos lagdaan ng huli at dalawang Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBO) mula Cavite—ang Tres Cruces Farmers Association, Inc. at Daine 1 and 2 Farmers Association, Inc. ang kasunduan noong Abril 21, 2025.
Sa pamamagitan ng direktang pagbili ng PNPA ng pagkain mula sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na mga miyembro ng ARBOs, layon ng dalawang ahensya na labanan ang gutom at kahirapan.
Ayon kay DAR Secretary Conrado Estrella III, nagpapakita ng diwa ng bayanihan sa hanay ng mga ahensya ng gobyerno, ang muling pagsuporta ng PNPA sa Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) ng pamahalaan para maiangat ang kalagayan ng ARBs.
Base sa kasunduan, ipagpapatuloy ng PNPA ang pagbili ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangang pagkain mula sa mga ARBO sa tamang presyo, na makatutulong sa mga magsasaka upang magkaroon ng siguradong kita at maiwasan ang pananamantala ng mga mapagsamantalang mamimili.
Saksi sa ginanap na pagpirma sa kasunduan sina DAR Undersecretary for Support Services Josef Angelo Martires at Calabarzon Regional Director Cupido Gerry D. Asuncion at PAHP National Coordinator Ma. Susan Gambalan.
Malaking bahagi ang ginampanan ni DAR Director III James Arthur Dubongco, sa pagpapanatili ng suporta ng PNPA sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa pamunuan nito sa ilalim ni Brigadier Gen. Christopher C. Birung.
“Panalo ang lahat dito. May suplay ng sariwang pagkain ang PNPA, habang nakakatanggap naman ng tamang kabayaran ang ating mga ARBO sa kanilang pagsisikap,” ani Dubongco.
Layunin ng proyektong DAR-PNPA PAHP, na nagsimula noong 2023, na bigyang-lakas ang mga ARBO at wakasan ang hindi makatarungang bentahan ng ani.
“Ang ating mga ARB ay nagsusumikap at gumagastos mula sa sarili nilang bulsa na umaasang kikita. Pero madalas, sila’y naloloko ng mga middlemen. Gusto nating tapusin ang ganitong sistema sa pamamagitan ng mga ganitong ugnayan,” dagdag pa niya. (LB)