Re-election bid ni Mayor Honey inendorso ng CTAP

INENDORSO ng Confederation of Truckers Association of the Philippines, Inc. (CTAP) na binubuo ng libo-libong truck owners, operators at workers na naka-base sa Maynila, ang kandidatura ni re-electionist Mayor Honey Lacuna, at sinabi na tanging ang kanyang administrasyon lang ang nakalutas ng matitindi nilang suliranin at iba’t-ibang uri ng panggigipit na kanilang naranasan noong panahon ng dating alkalde ng Maynila, lalo na ang mga extortion activities.
     
Nagpahayag ng suporta ang CTAP para kay Lacuna sa isang pagtitipon ng kanilang mga lider na ginanap sa Century Seafood Restaurant at ayon sa Pangulo nito na si Maria Zapata, tanging sa administrasyon lamang ni Lacuna at sa effort ni City Administrator Bernie Ang nila naranasan na makawala sa walang tigil na pangongotong ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa ilalim ng dating hepe nito. Naroon din sa pagtitipon sina Lacuna, Ang, new MTPB head Toti Diokno III at Manila Police District intelligence chief Col. John Guiagui.
    
Ibinunyag ng CTAP na simula ng maupo ng dating alkalde at in-appoint pinalitang hepe ng MTPB, nagbabayad na sila ng sobrang taas nang wala man lamang resibo o anumang paliwanag at kabilang dito ang tinawag na ‘passing through fees’.
     
Ayon kay Zapata ay mayroon silang 12,000 trucks na nag-o-operate araw-araw at sinisingil ng P2,500 kada truck kada buwan, para magamit ang ilang kalye sa Maynila at ang mga ‘di “naka-enrolled”ay sinisingil ng  P8,000 sa tuwing dadaan sila ng Maynila.
 
Ang mga nasabing halaga ay ibinabayad sa pamamagitan ng G-Cash na ayon kay Zapata ay pag-aari ng mga asawa ng mga  enforcers dahil lahat ng recipients ay mga babae.
     
Nang mag-take over si Lacuna,  nakipag-usap si Zapata at ang kanyang grupo sa alkalde sa tulong nina Congressmen Joel Chua at Rolan Valeriano, at pagkatapos ay humalili na si Ang sa paglutas ng mga problema ng  truckers.
     
Tinanggal ang dating hepe ng MTPB at naglabas ng Executive Order 41 si Lacuna na nagbabawal sa “passing through fees” at dahil dito ay nagpasalamat si  Zapata kay Lacuna dahil siya ang kauna-unahang mayor na naglabas ng nasabing order.  
     
Si Zapata at ang kanyang grupo na binubuo ng  1,200 operators-members at  12,000 operational units, ay nangakong ikakampanya si Lacuna upang tiyakin na ang bulok na sistema ng pangongotong noong nakaraang panahon ay ‘di na bumalik sa Maynila. Sinabi rin nito na halos lahat sila ay nakatira sa Maynila malapit sa pier kung saan nila ginagawa ang kanilang negosyo. 
     
Samantala inanunsyo rin ni Ang sa nasabing  event, na wala na dapat enforcers sa mga kalye ng Maynila kapag 10 pm na dahil  wala ng mga ganitong oras.
    
“Napakalaking relief ang ginawa ni Mayor Lacuna at Admin Ang. ‘Yung dating expenses na nai-incur at problema ng drivers na huli dito, huli dun, wrecker dito, wrecker dun. Wala nang nakatumpok na mga enforcers, napakalaking stress ng drivers namin ang nawala. Those are the things we enjoy right now that we never had before,”  saad ni Zapata.
     
Sinabi rin ni Zapata na ang mga suliranin na kanilang naranasan sa loob ng ilang taon ay nilutas ni Lacuna sa loob lamang ng wala pang tatlong taon. 
       
“May 12 is just around the corner.’ Wag na tayo magisip-isip ng kung sino-sino pa. Wala na tayong ibang iboboto at dadalhin kung hindi si Mayor Lacuna, pagtanaw ng utang na loob at suporta dahil sa kanya lang nawala ang kotong,” pagbibigay-diin ni Zapata. 
     
Sa huling bahagi ng programa ay dumating si Lacuna at pinasalamatan ang CTAP sa kanilang suporta at nagpahayag ng pagtitiwala na sana’y natugunan at patuloy na matutugunan ng kanyang administrasyon ang lahat ng kanilang concerns sa pamamagitan ng tanggapan ni City Administrator Ang.
     
Sinabi ng  lady mayor na ‘di man niya lagi nahaharap ng personal ang grupo ng mga truckers upang pakinggan ang mga ito sa kanilang sasabihin, mapalad pa rin siya aniya dahil may mayroon siyang mga opisyal na maaasahan, na handang baguhin kung ano ang dapat na baguhin na may kasiguraduhan na tutugunan ang lahat ng kanilang hinaing. 
     
“Habang kami ay narito, mabubuhay at makakapagnegosyo kayo nang matiwasay sa Maynila,” paniniguro ni Lacuna.
      
Bago umalis, binati ng grupo si Lacuna ng advanced happy birthday sa kaarawan nito sa May 6, kung saan isa na ring ganap senior citizen ang lady mayor. (MARISA SON)
Verified by MonsterInsights