Goitia: Katapatan sa bandila at sa bansa, importante sa bawat Pilipino

“Importante sa bawat Pilipino ang katapatan sa ating bandila at sa ating bansa.”

Ito ang ipinahayag ni Dr. Jose Antonio “Ka Pep”  Goitia, Chairman Emeritus ng People’s  Alliance  for Democracy and Reform (PADER), Alyansa ng Bayan para sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) at Liga ng Independencia sa Pilipinas (LIPI), matapos niyang kondenahin ang patuloy na pangangamkam ng  bansang Tsina sa Palawan na itinuturing na bahagi ng Pilipinas, batay sa pandaigdigang batas na pinapairal sa ilalim ng International  Maritime Law o ang Law of the Sea.

Nanindigan si Goitia na tumatakbo din bilang first nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) partylist kasama ang libo-libong  kasapi ng kanilang organisasyon, na maituturing na paglapastangan  sa soberanya ng Pilipinas ang ginagawa ng Tsina.

Ang ABP partylist, numero 134 sa balota na kumakatawan sa mga bumbero, fire volunteers  kasama ang mga kasapi ng PADER, ABKD at LIPI, ay tahasang  kinokondena ang pagyurak sa dangal ng mga Pilipino.

“Isang malaking insulto sa ating mga Pilipino ang ginagawa ng Tsina dahil sa kanilang hindi makatuwirang pagsalungat sa mga pinaiiral na batas sa ilalim ng  International  Maritime Law (Law of the Sea) katulad ng paglalagay ng hindi wastong siyam na dash line assertion,” ayon pa kay Goitia.

Binatikos din ni Goitia ang pagpapakalat ng Tsina ng maling impormasyon na maaring magdulot ng hindi pagkakaunawaan at pwedeng pagsimulan ng kaguluhan sa aspetong  soberanya, kalayaan sa nabigasyon at maging sa maayos na  pangangalakal ng ibat-ibang bansa.

Maging ang pagsang-ayon ni Goitia sa naging desisyon ng United Nations Convention on the Laws of the Sea (UNCLOS), na ang Palawan ay  bahagi ng Pilipinas base na rin sa geographical na location nito ay sapat na ebidensyang nagpapatunay na ang Palawan ay isang hindi maihihiwalay na bahagi ng arkipelago ng Pilipinas. Gayundin ang mga tubig na nakapaligid  dito kasama  ang kanlurang dagat  ng Pilipinas  ay  nasa loob ng Exclusive  Economic Zone at continental shelf ng Pilipinas.

Idagdag pa ang  pagpapatunay ng mga historical at legal na kasunduang pandaigdigan katulad ng Kasunduan ng Paris 1898, Kasunduan ng Washington  noong 1900, Kongbensyon ng Estados Unidos at Britanya noong 1930 at ang  Kalayaan ng Pilipinas noong 1946, kung saan nakuha ng Pilipinas  ang soberanya sa Palawan sa pagkuha ng kalayaan.

“Napakaganda  ng Palawan dahil  sa taglay nitong likas na yamang-dagat, mga  reserbang langis at gas na gustong pakinabangan ng Tsina kaya gusto nila itong angkinin,” ani Goitia.

“Ipaglaban natin bilang Pilipino  hindi lamang ang Palawan maging ang  karapatan nating mga Plipino para sa ating bansa para sa mga susunod pang salinlahi. Huwag  nating hayaang  kamkamin at kunin ng mga dayuhan kung ano ang talagang para sa atin” giit pa ni Goitia.

Ang Palawan ay isang archipelago na binubuo ng 1,780 na malalaki at maliliit na isla. Bahagi ito ng MIMAROPA na kinabibilangan ng mga probinsya ng Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque at Romblon. (MARISA SON)

Verified by MonsterInsights