2024 Metro Manila Film Festival, simula na ngayong Pasko; Relief goods sa diwa ng Christmas, ipapamahagi sa ni-landslide sa Quezon

NGAYONG Miyerkules na, ika-25 ng Disyembre, 2024, Araw ng Pasko ang pagbubukas ng taunang Metro Manila Film Festival ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na siyang nangangasiwa ng pagdiriwang.

            Pagkatapos ng Parada ng mga Bituin noong Sabado, ika-21 ng Disyembre, 2024, ang pagpapalabas naman ng sampung opisyal na kahalok sa pista ng pelikulang Pilipino ang magsisimula.

            Matagumpay ang Parade of Stars na nagsimula sa Kartilya ng Katipunan sa tabi ng Manila City Hall at nagwakas naman sa paligid ng Manila Post Office.

            Humigit-kumulang sa pitong kilometro ang binaybay ng parada ng mga karosa ng sampung kasali sa pestibal.

            Hindi magkamayaw ang mga tao sa pagsisiksikan at pagtutulakan para lamang masilayan ang kanilang mga paboritong bituin na kasama sa mga obra meastra ng MMFF.

            Gaganapin naman ang Gabi ng Parangal isa sa mga araw na ito, pagkatapos ng Christmas bagamat habang sinusulat namin ito ay wala pang opisyal at eksaktong petsa ang awards night pero ang sigurado ay sa Metropolitan Theater gagawin ang pagtitipon at dadaluhan ng mga kasapi at kawani ng MMDA at mga mariringal na bituin ng pinilakang tabing lalo na ang mga may produktong ipapalabas sa kabuuan ng MMFF mula sa December 25, 2024 hanggang January 7, 2025.                                

            Kabilang sa mga kalahok sa pelikula na ika-50 taon ng MMFF ang mga sumusunod:

            “And the Breadwinner is…” mula sa Star Cinema at The IdeaFirst Company at pinangungunahan nina Vice Ganda, Eugene Doningo at marami pang iba mula sa direksyon ni Jun Robles Lana;

            “The Kingdom” ng M-Zet Productions, APT Entertainment at Media Quest at pinagbibidahan nina Vic Sotto at Piolo Pascual sa direksyon ni Michael Tuviera;

            “Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital” ng Reality MM Studios at itinatampok sina Enrique Gil, Jane de Leon at iba pa mula sa direksyon ni Kerin Go;

            “Isang Himala” ng Kapitol Films at USX at pinag-iistaran nina Aicelle Santos at Bituin Escalante mula sa direksyon ni Pepe Diokno;

            “Green Bones” ng GMA Pictures at isino-showcase sina Dennis Trillo at Ruru Madrid mula sa direksyon ni Zig Dulay;

            “Espantaho” ng Quantum Films, Cineko Productions at Purple Bunny Productions at inihahandog sina Judy Ann Santos, Lorna Tolentino at Chanda Romero mula sa direksyon ni Chito S. Rono;

            “Uninvited” ng Mentorque Productions at Project 8 Projects at ipinagkakapuring-handog sina Vilma Santos, Aga Muhlach at Nadine Lustre mula sa direksyon ni Dan Villegas;

            “Hold Me Close” mula sa Viva Films at Ninuno Media at ngatatampok kina Carlo Aquino at Julia Barretto sa direksyon ni Jason Paul Laxamana;

            “My Future You” mula sa Regal Entertainment at ipiniprisinta sina Seth Fedelin at Francine Diaz mula sa direksyon ni Cristano Aquino at

            “Topakk” mula sa Nathan Studios, Strawdog Productions at FUSSE at inihahain sina Arjo Atayde, Julia Montes, Levy Ignacio at marami pang iba mula sa direksyon ni Richard Somes.

            Alin kaya ang tatanghaling pinakakikitang pelikula?

             At sinu-sino ang ipoproklamang mahuhusay sa pag-arte at iba pang larangan?

                                                                                  *************

            At ngayong Kapaskuhan, may trahedyang nangyayari pa rin sa ating bansa katulad na lamang nang gumuho at bumitak ang lupa sa Barangay Matinik sa Lopez, Quezon kamakailan.

            Bayan kong sinilangan ang Lopez kaya naman nakakabigla at nakakalungkot.

            Gayunman, kailangang mangibabaw ang isip sa damdamin kaya sasama ako sa pagre-relief operation ni Arch. Isidro “Sid” Villasanta sa nayon na ‘yon ngayong magpa-Pasko.

            Magbibigay si Arch. Sid ng mga pagkain, inumin at iba pang donasyon.

            Samantala, si Sid ang Pangulo ng Villasanta Clan Reunion at ako naman ang Pangalawang Pangulo at magsasanib-puwersa kami sa pagdaraos ng Villasanta Clan Reunion sa ika-30 ng Disyembre, 2024 sa Mom’s Backyard sa Lopez, Quezon.

            Hala, bira!

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights