KARAGDAGANG ALOKASYON NG CHARITY BEDS, PHILHEALTH WARDS PANAWAGAN NI LEE SA DOH
ITINUTULAK ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee ang karagdagang charity beds sa mga pribadong ospital sa 30 porsyento mula 10 porsyento.
“Gusto nating mangyari na yung mga naka-allocate sa mga pribadong ospital na 10% bed capacity para sa mga indigent patients na nakapaloob sa “No Balance Billing” (NBB) policy, itaas na sa 30%,” saad ni Lee.
“Para mas maraming bed capacity para sa mga pasyente na talagang nangangailangan. Isa kasi itong kakulangan sa PhilHealth wards sa mga dahilan kung bakit napapalaki ang out-of-pocket expenses ng ating mga kababayan, dahil pagdating sa ospital, ang madalas na sinasabi ay wala nang available na ward na nakalaan para sa NBB,” pagbibigay-diin ni Lee.
Sa ilalim ng Department of Health (DOH) Administrative Order 2007-041, as a requirement for licensure, lahat ng pribadong ospital ay dapat maglaan ng hindi bababa sa 10 porsyento ng awtorisadong bed capacity bilang mga charity bed, bilang bahagi ito ng requirements para sa lisensya.
“Ito rin po ang prinsipyong isinusulong natin sa pagsasabatas at epektibong implementasyon ng “No Balance Billing,” para wala nang ilabas na pera ang mga kwalipikadong benepisyaryo kapag sila ay na-admit o na-confine sa ospital,” sabi pa ng Bicolanong solon.
Ang No Balance Billing ay plisiya ng pamahalaan na ipinapatupad sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na siayng naggagarantiya na walang anomang babayaran ang kwalipikadong miyembro na sumasailalim sa pangangailangang medikal sa accredited hospitals.
Gayunpaman, hinihikayat ni Lee ang DOH na i-require sa lahat ng lisensyado at accrdited na mga ospital ang pagsusulong ng transparency sa availability ng mga PhilHealth ward sa pamamagitan ng pagpapaskil ng notice sa mga pasilyo na nagpapakita ng mga numero ng mga okupado at bakanteng PhilHealth wards na tutulong sa mga benepisyaryo na makapagdesisyon tungkol sa kanilang healthcare options.
Ayon sa kanyang panukalang House Resolution No. 1716, maaaring magdulot ng pagkalito at mahadlangan ang mga benepisyaryo na mapakinabangan ang kanilang PhilHealth benefits bunsod ng kakulangan sa malinaw at nakikitang impormasyon ukol sa availability ng PHilHealth wards.
“How can they avail of this service if they do not know about it?” tanong ni Lee.
“Napakahalaga na alam ng mga pasyente at ng kanilang pamilya yung impormasyon tungkol sa mga bakanteng PhilHealth wards para may choice sila, lalo pa’t nandyan lagi yung pangamba nila sa laki ng bayarin sa pagpapa-ospital, na magagalaw ang kanilang budget sa iba pang pangangailangan, na baka maubos ang ipon at mabaon sa utang,” dagdag pa ng solon.
Matatandaan na tagumpay na naitulak ni Lee ang dagdag na 30 porsyento sa mga benepisyo ng PhilHealth na kinilala ni health insurer President and Chief Executive Officer (PCEO) Emmanuel Ledesma Jr.
“The Filipino people deserve better health services than enduring long waits in hospitals without the assurance that they will receive proper care. We should demand better and demand more from government. Lahat tayo, dapat makatamasa ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan, hindi yung kung sino lang ang may pambayad ang naaasikaso, nakapagpapagamot at naisasalba ang buhay,” pahayag pa ni Lee. (LB)