Libanan, hangad na gawing bagong polytechnic state college ang Eastern Samar trade school
NAGHAIN ng panukalang batas si House of Representatives Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan na nagnanais gawing bagong polytechnic state college ang Samar National School of Arts and Trade (SNSAT), upang matugunan ng Eastern Samar province ang mas maraming “job-ready higher education graduates” sa mga susunod na taon.
Tulad ng panukala ni Libanan sa ilalim ng House Bill No.10092, ang SNSAT na matatagpuan sa Munisipalidad ng Taft, ay linangin at gawing bagong Eastern Samar Polytechnic State College (ESPSC)
“We are absolutely determined to boost up public access to free higher education in Eastern Samar,” sabi ni Libanan.
Sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017, ang gobyerno ang nagbabayad ng matrikula at iba pang mga bayarin sa paaralan ng mga mag aaral na nakatala sa mga unibersidad at state universities.
“We are counting on the new ESPSC to produce highly employable graduates who can help their families achieve a superior quality of life,” saad ng solon.
Kapag naisabatas na ang panukala ni Libanan, magkakaroon na ng sariling governing board ang bagong ESPSC sa pangangasiwa ng Commission on Higher Education (CHEd).
Mag-aalok ng propesyonal at teknikal na pagtuturo at pagsasanay ang bagong ESPSC, sa parehong mga antas ng graduate at undergraduate sa mga larangan ng engineering, edukasyon, sining at agham pati na rin ang mga sining at trades.
Si Libanan ay nagsilbing kinatawan ng nag-iisang distritong kongresyunal ng Eastern Samar mula 1998 hanggang 2007 at kasalukuyang 4Ps party-list representative.
Nauna nang naghain si Libanan ng hiwalay na panukalang batas na naglalayong ilagay ang kauna unahang state run college of medicine ng Eastern Samar.
Sa ilalim ng HB No. 9872 ni Libanan, ang bagong kolehiyo ng medisina ay itatatag bilang isang yunit ng Eastern Samar State University (ESSU).
Nauna ring inihain ni Libanan ang HB No. 9302, na naglalayong lumikha ng bagong ESSU campus sa Munisipalidad ng Balangiga, na naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara at ngayon ay nakabinbin pa ang pag-apruba ng Senado.
Ang solon ang nag-akda ng batas noong 2004 – Batas Republika Blg. 9312 – na nagtatag ng ESSU sa pamamagitan ng pagsasama ng dating Eastern Samar State College sa dating Maydolong National Agricultural School.
Nasa 14,000 estudyante ang kasalukuyang naka enroll sa ESSU, na may mga campus sa Borongan City, ang kabisera ng Eastern Samar, at sa mga munisipalidad ng Can Avid, Guiuan, Maydolong, Salcedo at Arteche. (LB)