DOE TINULIGSA NI GATCHALIAN DAHIL SA FORCED OUTAGES
TINULIGSA ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DOE) dahil sa mga forced power outages dulot ng kakulangan ng sapat na feedstock o raw materials na kailangan ng mga generation company para tumakbo sila ng full capacity.
Katulad na lang sa kaso ng Ilijan natural gas plant sa Batangas, kung saan batid ng DOE na noong Hulyo ng nakaraang taon pa nag-expire ang supply agreement nito sa Malampaya oil gas field, na naging dahilan para mag-operate ang Ilijan sa mas mababang kapasidad nito.
Ayon kay Gatchalian, vice chairperson ng Senate Committee on Energy, dapat mayroong proactive steps ang DOE upang matiyak na umaandar ng buong kapasidad nito ang Ilijan, na may kapasidad na 1200 megawatts, lalo na noong tumaas ang demand ng kuryente sa mga nakaraang buwan dahil sa mainit na kondisyon ng panahon dala ng El Niño phenomenon.
Naiwasan aniya sana ang serye ng red at yellow alerts sa pangunahing transmission grid ng bansa na naranasan ng bansa simula noong nakaraang buwan. Ang red at yellow alerts ay nagpapahiwatig ng kakulangan ng suplay ng kuryente at reserba.
“Paano tayo nagkaroon ng loss of gas supply? Alam natin na sa panahon ng tag-init ay tumataas ang demand at kailangan natin ang lahat ng suplay na makukuha natin,” sabi ni Gatchalian sa isang pagdinig na ginawa ng Senate Committee on Energy ukol sa serye ng red and yellow alerts.
Binigyang-diin ng senador na dapat pumagitna ang DOE sa pagresolba sa mga problemang kinasasangkutan ng generation companies tulad ng issue sa suplay ng feedstock ng Ilijan power plant.
Ayon sa kanya, naglabas pa ang DOE ng department circular na nangangailangan ng imbentaryo ng feedstock para sa mga generation companies ngunit nabigo itong ipatupad ang sarili nitong circular.
“Dapat subaybayan ng DOE ang suplay ng feedstock at hindi lamang ang output ng kuryente dahil kung hindi, wala talagang kuryente,” sabi ni Gatchalian.
Binigyang diin din ng solon na dapat magsagawa ang DOE ng mga kinakailangang interbensyon upang makatulong na malutas ang mga alalahanin ng mga generation companies at upang makatulong na matiyak ang sapat na suplay ng kuryente.
“Makikinabang ang gobyerno kapag tuloy-tuloy ang pagtakbo ng mga planta,” sabi ni Gatchalian, na tinukoy ang Ilijan power plant.
Binanggit pa ni Gatchalian na hindi mangyayari ang red at yellow alerts na naranasan ng bansa kamakailan kung gumana lang sana ang mga generating company nang buong kapasidad nila.
Ang DOE aniya ang dapat na nagplano para sa isyung ito nang maaga.
“Ang mungkahi ko, kung may problema sa permitting, problema sa customs, dapat handang tumulong ang DOE,” dagdag niya. (LB)