Pia Wurtzbach at Heart Evangelista, may nakaambang alitan?

NAGSIMULA ang lahat ng mga ispekulasyon nang umalis sa poder ni Heart Evangelista ang dati niyang koponan ng pangglamorosong hitsura o glam team na kinasasapian nina Louie Soriano at Jeck Aguilar.

Ito ay dahil sa isyu ng credit card na umano’y pinakialaman ng glam team.
Nakaladkad rin sa kontrobersya sina Louie at Jeck nang umano’y pagbawalan sila ng awtoridad na makasakay sa eroplano sa isang bansa sa Middle East sa hindi malinaw na kadahilanan.
Kinalaunan naman ay napawalang-halaga ang umano’y pagkaka-hold-departure order nina Soriano at Aguilar.
Wala naman anang mga may kapangyarihan na nilabag na batas ang dalawang stylists.
Nagpatuloy ang buhay para kay Heart at kina Louie at Jeck gayundin sa mga taong may kaugnayan sa kanila.
Hanggang mag-post si Evangelista ng mga makahulugang mga salita sa kanyang Instagram na ang dulo’y pagtitiwala sa kapwa.
Nakarating na rin kay Heart na nagpunta na kay Pia Wurtzbach, ang 2015 Miss Universe ang kanyang dating glam team.

Nakakasama na ni Pia sa kung saan-saan sina Soriano at Aguilar samantalang iba na ang nag-aayos kay Heart.
Hanggang nitong mga huling araw ng nakaraang buwan ay nagpatawag ang L’Oreal ng isang press brief na ang nilalaman ay ang importansiya ng kababaihan.
Sa press briefs ay may nagtanong kay Wurtzbach tungkol kay Heart.
Ayon sa ulat ng Philstar.com kung saan tagaroon ang peryodistang nagtanong, sinansala na ng L’Oreal ang pagtatanong tungkol kay Evangelista.
Si Pia na ang brand ambassador ng L”Oreal na dating hawak ni Heart.
May implikasyon ba ito sa kasalukuyang kalagayan nina Pia at Heart?
May pasaring naman si Evangelista tungkol sa isang taong hindi niya kongkretong natukoy.
Ayon kay Heart, nakuha na ng isang tao ang kanyang contacts sa ibang bansa.
Sinabi ng aktres na nakakapanghinayang.
Idinagdag ni Evangelista na may hindi awtorisadong tao na nakikialam ng kanyang iskedyul sa mga fashion week nang wala siyang pahintulot.
Pati ani Heart kanyang mga gawain sa pagrampa sa mga fashion festival ay naapektuhan ng taong ito.
***
Samantala, patuloy pa rin ang pagrampa ni Heart sa mga fashion show.
Si Pia naman ay nalulungkot sa anya’y pamba-bash sa kanya dahil sa kanyang pagiging modelo.
Mas mainam pa raw na ibang tao o dayuhan ang pumintas sa kanya na manatili na lang siyang beauty queen kaysa magmodelo.
Kung kapwa Pinoy din ani Wurtzbach ang pipintas sa kanya ay nakakasora at nakakapagpataas ng presyon ng dugo.
May nakaamba bang hidwaan sa pagitan nina Heart at Pia?
Kayo na ang sumagot.